MANILA – Aminado ang Food and Drug Administration (FDA) na hirap pa rin silang matunton ang mga sangkot sa sinasabing “illegal COVID-19 vaccination activities” sa ilang lugar sa bansa.
Pahayag ito ng ahensya matapos ilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre na marami nang naturukan ng coronavirus vaccines sa Pilipinas.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation at pulisya para makahanap ng ebidensya tungkol sa ulat ng presidente.
“We raid some operations with police in Manila, sa Binondo at Makati – this particular clinic rumored to have vaccinating people for a very high amount of money, wala kaming nakita,” ani Domingo sa interview ng CNN Philippines.
Nangako na rin daw ang kanilang mga abogado na magbibigay ng report kapag natapos na ang ginagawang imbestigasyon.
Nakausap na umano ng FDA ang ilang kompanya na nagpapakilalang local distributor ng Sinopharm vaccines, matapos idawit ang pangalan ng Chinese company sa sinasabing iligal na bakunahan.
Nilinaw ni Domingo na kahit kailan ay hindi nag-apply ang Sinopharm para sa clinical trials at emergency ng kanilang bakuna dito sa Pilipinas.