CEBU – Mahigpit na tinututukan ngayon ng Cebu City Police Office (CCPO) ang mga anggulo na posibleng dahilan ng pagpaslang kay Ritchie Nepomuceno ang prime witness laban sa mahigit sampung pulis ng Sawang Calero Police Station.
Kabilang sa mga anggulo na tinitingnan ng otoridad ang illegal drugs at love triangle.
Ayon kay CCPO Deputy City Director for Operations PLtCol Wilbert Parilla, bago nangyari ang krimen kay Nepomuceno nagkaroon pa ito ng komunikasyon sa kanyang asawa at hiniling na magsasama muli dahil dati na umanong alam ng asawa nito na may relasyon ito kay PSSgt Celso Colita.
Tinitingnan na rin sa ngayon ng CCPO ang naturang impormasyon kabilang na ang posibilidad na may kaugnayan din sa illegal na droga ang krimen dahil dati na umanong nasangkot ang pangalan nito sa mga operasyon na ginawa ng mga pulis.
Samantala, inihayag ni Parilla na maliit lang ang tsansa na sangkot si Colita sa pagpaslang kay Nepomuceno sapagkat nasa ilalim ito sa “Restrictive Custody” at hindi pinapayagang makalabas sa kampo.
Inaalam na rin ng otoridad kung saan galing ang 45 caliber na baril na ginamit ni Colita sa pagkitil ng kanyang buhay kahit na kinuha na umano ang issued firearm nito.
Kung maaalala na binaril patay si Ritchie Nepomuceno sa hindi pa nakikilalang responsable noong lunes ng gabi. Si Nepomuceno ang prime witness laban kay PSSgt Celso Colita sa kasong rape at extortion at ng iba pang sampung pulis ng Sawang Calero Police Station.
Ilang oras lang matapos pinaslang si Nepomuceno nagbaril umano sa kanyang sarili si Colita sa kubeta ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU-7).