-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ni Albay Rep. Edcel Lagman sa House Committee on Human Rights ang unilateral abrogation ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa 1989 UP-DND Agreement.

Dapat aniyang masilip sa lalong madaling panahon ang naging hakbang ni Lorenzana gayon ang kinansela nitong kasunduan ay pumuprotekta at nagpapatibay sa autonomy at academic freedom sa University of the Philippines.

Ipinagbabawal kasi sa ibinasurang kasunduan ng DND ang pagpasok ng mga sundalo at pulis sa campus ng UP nang walang pahintulot mula sa mg opisyal ng unibersidad.

Binigyan diin ni Lagman na hindi lamang iligal kundi void ab initio ang unilateral termination ng DND sa kasunduan dahil hindi ito dumaan sa konsultasyon at conformity ng mga opisyal ng UP.

Paliwanag ng kongresista, bilateral at mutual ang pagpasok ng DND at UP sa kasunduan na ito, kaya hindi maaring basta ibasura lamang ng iisang partido.

Binuksan lamang aniya ng one-sided termination na ito ang floodgates para sa military at police incursions sa mga campus ng UP sa buong bansa na kunwari ay para protektahan ang national security at pagpapanatili nang peace and order dito.

Dagdag pa ng kongresista, maraming mga lidera sa bansa na lumalaban para mapanatili ang kalayaan at demokrasya ang nanggaling sa UP, kagaya na lamang ng 13 mahistrado ng Korte Suprema.