-- Advertisements --

Naniniwala sina Rep. Terry Ridon at Deputy Speaker Janette Garin na malaking bahagi ng kanilang mga partido ang boboto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng mga ebidensyang inilatag sa House hearings.

Ayon kay Ridon, higit kalahati ng party-list bloc ang inaasahang susuporta, habang tinaya ni Garin na posibleng umabot sa dalawang-katlo ng mga miyembro ng Lakas-CMD ang boboto pabor, kahit paiiralin ang “conscience vote” o malayang pagpapasya ng bawat mambabatas.

Gayunman, may mga nagdadalawang-isip pa rin, lalo na sa hanay ng mga kinatawan mula sa Mindanao, dahil sa political considerations at pangambang makabangga ang mga lokal na botante o alyado. Mayroon ding umano’y impluwensya mula sa ilang grupo na nananawagan na protektahan ang Bise Presidente.

Sa panig naman ng National Unity Party (NUP), inaasahang pag-uusapan pa ang kanilang magiging posisyon, ngunit posible ring manatili sa “conscience vote” gaya ng nakagawian sa mga sensitibong isyu.

Samantala, pinagtibay na ng House Committee on Justice ang pagkakaroon ng “probable cause,” at inaasahang aaprubahan ang committee report bago ito dalhin sa plenaryo, kung saan kailangan ang hindi bababa sa 106 boto upang tuluyang maiakyat ang impeachment sa Senado para sa paglilitis. (report by Bombo Jai)