-- Advertisements --

Mariing kinondena ng ilang senador ang pagpapalabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ng Cease and Desist Order laban sa ABS-CBN makaraang mapaso ang kanilang legislative franchise kahapon.

Sinabi ng ilang mambabatas na hindi makatwiran ang naging desisyon ng NTC para sa pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN television at radio broascasting stations nito dahilan sa kawalan ng congressional franchise lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, may grave abuse of discretion ang hakbang ng NTC na dapat noon pa ay naglabas na ng provisional authority para sa pagpapatuloy ng operasyon ng kompaniya.

Hindi naman makatuwiran para kina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Sonny Angara at Sen. Grace Poe na ipatigil ang operasyon ng network lalo na ngayong marami ang walang trabaho dahil sa lockdown at maraming kumakalat na fake news.

Hinimok naman ni Sen. Bong Go ang Kamara na aksyunan na ang prangkisa ng ABS-CBN, ngayong balik na sa sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso.