-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ng Philippine Coast Guard ang paglutang ng mga impormasyon patungkol sa barkong M/V Subaro na may sakay na mga Hapones at dumaong sa Virac, Catanduaces.

Ito ay matapos na maalarma ang publiko dahil sa kumalat na impormasyon na may dala umanong 2019 novel coronavirus ang crew members na lulan ng barko.

Nilinaw ni Coast Guard Substation Virac commander PO1 Elizaldy Trio, nagsagawa ng beripikasyon sa barko matapos kumalat ang isyu subalit nabatid na negatibo sa nCoV ang lahat ng crew batay sa quarantine record ng mga ito.

Napag-alaman na lulan ng barko ang 64 crew kung saan 12 ang Japanese at karamihan ay Pilipino.

Nagtungo umano ang mga ito sa Catanduanes upang mag-install ng fiber optic cable na gagamitin ng telecommunication company mula Virac patungo sa coastal areas ng Sagñay, Camarines Sur.

Isa ring Philippine-registered vessel ang M/V Subaro na may international transhipping na dumaan muna sa karagatang sakop ng Batangas at CamSur bago magtungo sa naturang lalawigan.