-- Advertisements --
Class room
DepEd Image/ FB photo

Iniulat ng Department of Education na nakakatanggap din sila ng ilang mga report ng mga nagpopositibo sa COVID-19 na mga mag-aaral at teaching and non-teaching personnel sa mga paaralan.

Inihayag ito ng DepEd isang buwan bago ang full implementation ng in-person classes sa bansa at sa gitna ng kasalukuyang blended learning ngayon kung saan ilang mga paaralan na ang nagsasagawa ng face-to-face classes.

Sa isang pahayag ay kinumpirma ni DepEd Spokesperson Michael Poa na may mga natatanggap silang mga report ng mga kaso ng COVID-19 kung saan nagpopositibo ang mga learners, teachers, at non-teaching staff.

Ngunit nilinaw niya na sa ngayon ay wala pa silang hawak na pinal na bilang ng mga ito at kasalukuyan na aniya nilang bineberipika ang mga impormasyon ukol dito sa pamamagitan ng tracking na isinasagawa ng mga LGU at pagkonsulta na rin sa Department of Health.

Samantala, sa kabilang banda naman tiniyak ni Poa na mahigpit na minomonitor ng kagawaran ang mga sitwasyon sa mga paaralan kasabay na rin ng palagiang pagpapaalala sa mga ito na magpatupad ng health and safety protocols upang maiwasan na rin ang banta at panganib ng COVID-19.

Sa ngayon, 90 percent na ng nasa 47,000 public schools sa buong bansa ang nagpapatupad ng blended learning sa mga paaralan na combination naman ng face-to-face classes.