Ilang repatriated OFWs na positibo sa COVID-19 tumakas sa quarantine facilities – PCG
Tumakas sa kanikanilang quarantine facilities ang ilang repatriated overseas Filipino workers (OFWs) na nagpositibo sa COVID-19, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, matapos na tumakas ang naturang mga OFWs, lumabas ang resulta ng kanilang COVID-19 tests, at natukoy na positibo sila sa nakakamatay na sakit.
Sa ngayon, pinaghahanap na aniya ng awtoridad ang mga tumakas na OFWs, na posibleng kasuhan sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.
Maging ang mga posibleng kasabwat ng mga tumakas ng OFWs ay maari ring kasuhan, ayon kay Balilo.
Gayunman, hinimok ng opisyal ang mga OFWs na magbaon ng mahabang pasensya sa paghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang PCG sa Bureau of Quarantine (BOC) para sa mas mabilis na release ng mga test results.
Noong Huwebes lang, sinabi ni PCG commandant Admiral Joel Garcia na nasa 18,000 OFWs ang stranded sa Metro Manila dahil tinatanggihan sila ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang home province sa gitna ng banta ng COVID-19.