BAGUIO CITY – Naniniwala ang mga progresibong grupo sa bansa na nanaig pa rin ang kanilang tinig sa katatapos lamang na 2019 midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Christian Dave Ruz, spokesperson ng KABATAAN Partylist – Cordillera Chapter, sinabi niya na nanaig ang tinig ng mga progresibong grupo sa kabila ng talamak na pandaraya sa nakaraang eleksiyon at sa desperasyon ng estado na siraan sila.

Ipinagmayabang niya na kahit sobra raw ang pag-atake sa mga progresibong grupo ay nanalo pa rin ang mga ito.

Kitang-kita aniya kung papaanong sa mga nakaraang buwan at taon ay todo-todong inatake ang mga progresibong partylist groups, kasama na ang pagsasabing sila ay mga komunista na hindi dapat iboto.

Binanggit niya na sa mismong araw ng eleksiyon ay nagpamahagi ang mga pulis ng mga black propaganda materials na nagsasabing huwag iboto ang mga progresibong partylists.

Gayunman, sinabi ni Ruz na kahit nanalo sila ay biktima pa rin sila ng pandaraya dahil kitang-kita umano sa mga boto na kung ikukumpara sa mga natanggap nilang boto noong 2016 ay halos kalahati ng natanggap na boto ng mga progresibong partylists ay natapyas.

Batay sa partial official result ng katatapos na midterm elections, ang Bayan Muna lamang ang progresibong partylist na nakakuha ng higit 2% ng national vote na katumbas ng isang pwesto sa Kamara.