Tinapyasan ng mga mambabatas sa Kamara ang pondo ng higit 10 programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa susunod na taon.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriatons, nagkasundo ang mga mambabatas na bawasan ng pondo ang ilang programa ng DOLE gaya ng government internship program (219%), Child Labor Prevention and Elimination Program (66%), at Adjustment Measures Program (52%).
Kabilang din sa mga tatapyasan na programa ang Tulong Panghanapbuhay (30%), Labor Market Information (28%), Public Employment Service (18%), at Onsite Welfare Services for OFWs (8%).
Sa kabila nito, ilang programa naman ang dadagdagan ng alokasyon tulad ng Labor Laws Compliance, DOLE Integrated Livelihood Program, Jobstart Philippines, job fairs, PhiJobNet, at career guidance employment coaching program.
Aabot sa P14.42-bilyong budget para sa susunod na taon ang inaprubahang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa DOLE.
Mas mababa ito ng bahagya kumpara sa P16.36-bilyon na alokasyon ng DOLE ngayong 2019.