-- Advertisements --

(Update) BAGUIO CITY – Nadiskobre sa video footage ng closed circuit television (CCTV) camera sa swimming pool area ng Philippine Military Academy (PMA) na lumusong sa malalim na bahagi ng pool si Cadet 4th Class Mario Telan Jr., kahit na hindi ito marunong lumangoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMA Public Information Officer Capt. Cheryl Tindog, sinabi niya na sa nasabing CCTV footage ay makikita ang klase nina Telan sa pool kasama ang mga instructors, maintenance personnel at iba pang opisyal ng akademya.

Aniya, hindi pumasa si Telan sa pag-freestyle na unang bahagi ng physical exercises ng mga ito kaya ikinategorya itong non-swimmer at mismong si Telan ang nagsabi na hindi ito marunong lumangoy.

Nasabi din aniya ng mga magulang ni Telan na non-swimmer ito at nakita rin sa video footage na hindi nakompleto ni Telan ang pag-freestyle.

Ipinaliwanag niya na batay sa panuntunan ay hindi puwedeng lumusong sa tubig sa pool ang mga non-swimmers, bagkus ay sa gilid lamang ang mga ito habang magpe-perform ng floating ang mga nakapasa sa unang bahagi ng physical exercises.

Dagdag nito na nakita sa video footage ang unti-unti paglusong ni Telan sa malalim na bahagi ng pool, bandang alas-11:28 ng umaga hanggang sa hindi na ito umahon.

Walang nakapansin sa ginawa ni Telan dahil abala ang mga kaklase, gayundin ang mga instructor sa mga nagpe-perform na mga kadete.

Samantala, nakilala na ng pamunuan ng PMA ang mga instructors ng klase at ilang mga kawani ng akademya na posibleng may naging pagkukulang sa insidente kung saan nag-submit na ang mga ito ng affidavits.

Ayon pa kay Tindog, nakita na nila ang mga nalabag na proseso sa pagsasagawa ng swimming lessons ng mga kadete partikular ang presensiya ng mga spotters, lifeguards, floating devices sa pool at medical team na naka-stand by para sa emergency.

Tinitignan din nila ang bahagi ng standard procedure na ina-account ang mga kadete bago at matapos ang physical activities ng mga ito kung saan dapat may report na ipapasa ang Class Marcher sa kanilang instructor ukol sa completeness ng klase.

Kung maaalala, sa class formation pa para sa tanghalian nadiskobre na nawawala si Telan hanggang sa natagpuan na lamang ang bangkay nito sa ilalim ng pool.