Karamihan sa mga Pilipino ang naniniwala na maituturing din bilang essential ang lotto.
Ito ay kasunod nang pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR)-plus dahil karamihan sa mga Pinoy ang umaasa na muling papayagan ang operasyon ng lotto at iba pang digital games.
Subalit marami ang nadismaya sa naging anunsyo ng Philippine Charity Sweepestakes Office (PCSO) noong Abril 12 na suspendido pa rin ang pagbebenta nito ng mga tickets sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, gayundin sa Santiago City, Quirino at Abra.
Dahil dito ay nananawagan ngayon ang mga Pilipino sa gobyerno na payagan ang operasyon ng lotto at iba pang ditial games sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.
Ayon sa ilan, buti pa raw ang mga tindahan at ukay-ukay ay pinapayagang makabenta. Ang ilan naman ay umaaray na rin dahil wala na nga silang kita sa kanilang mga negosyo ay wala rin silang natatanggap na ayuda.
Base na rin sa direktiba ng gobyerno sa mga lugar sa NCR-plus kasama na ang Santiago City, Quirino at Abra na nasa MECQ, ipinaliwanag ng PCSO na ang pagbebenta ng mga lotto tickets at iba pang digit games — tulad ng Small Town Lottery (STL) draws — ay mananatiling suspendido mula Abril 12 hanggang 30 nang kasalukuyang taon.