CAUAYAN CITY – Hindi pa raw kailangan ng repatriation ng ilang Pinoy professors na nagtatrabaho sa isang unibersidad sa Ethiopia sa kabila ng pandemic na COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Romano Gabrillo, professors sa Arba Minch University, sinabi niya na sa ngayon ay mahigit 100 pa lamang ang bilang ng COVID-19 sa nasabing bansa at tatlo ang nasawi.
Ito ay dahil sa mas pinaigting nila ang mga ipinapatupad na panuntunan at precuationary measures sa paglaban sa COVID 19
Sinabi ni Engr. Gabrillo na sa sa ngayon ay wala silang trabaho dahil sa dalawang linggo pagsasagawa ng home teaching makaraang magbaba ng kautusan ang Ministry of Education na pauwiin na sa kanilang mga tahanan ang mga estudyanteng pansamantalang naninirahan sa mga dormitoryo ng unibersidad.
Pinayuhan na rin silang makipag ugnayan sila sa Embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt kung saan nag e-mail na sila ng kanilang mga contact information sakaling magkaroon ng repatriation.
May chat room daw silang mga Pinoy na nasa Arba Minch University upang magbalitaan sa mga kaganapan sa unibersidad.
Aniya sa ngayon ay kontrolado ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 mula ng magpatupad ang Ethiopia ng travel ban noong March 17 kasabay ng pagdedeklara ng state of emergency at lock down sa ilang probinsiya .
Samantala inilipat ng pamahalaan ng Ethiopia ang pamilihan sa Addis ababa sa mas maluwang sa espasiyo upang maiwasan ang pagkukumpulan ng mga namimili.
Ayon kay Gabrillo bilang tugon ng pamahalaan aniya ay minabuting ilipat ang pamilihan sa Addis Abba sa mas maliwang na espasyo upang mapigilan ang pagsisiksikan ng mga tao at maiwasan ang paglaganap ng Virus.