ROXAS CITY – Hati ang reaksyon ng mga residente sa America sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay US President Donald Trump.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Bombo correspondent Oswald Clement Diesto, isang chef sa California USA, iniulat nito na usap-usapan sa kanilang bansa ang balak na pagpapatalsik ng Democrats kay Trump.
Ayon kay Diesto, maraming mga residente sa America ang nagsasagawa ngayon ng mga kilos protesta dahil sa nangyayari sa kanilang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Trump.
Ito ay dahil sa nalalapit na ring matapos ang isinasagawang pagpresinta ng mga Democratic House Managers ng kanilang mga ebidensiya laban kay Trump.
Aniya, may iba’t ibang reaskyon ang bawat mga residente sa America kung saan ang iba sa kanila ay naniniwala na walang inilabag na batas si Trump kaya hindi dapat ito patalsakin sa puwesto.
Habang ang iba naman ay pabor sa ginawang paggigiit ng mga Democratic prosecutors laban sa nasabing presidente.
Nabahala rin ang ibang mga residente ng America dahil magdadala lamang umano ito ng panganib sa constitutional framework at sa nalalapit na 2020 presidential election sa kanilang bansa.
Samantala, ayon kay Diesto hindi naman apektado ang kanilang trabaho sa America dahil “business as usual” pa rin ang sitwasyon.
Napag-alaman na si Trump ang pangatlong Pangulo sa kasaysayan ng US na haharap sa impeachment trial kung saan inakusahan ito ng abuse of power at obstruction of Congress dahil sa pagpapaimbestiga kay dating US Vice President Joe Biden ng tawagan ang pangulo ng Ukraine.