NAGA CITY – Tila dismayado ang ilang mga Pinoy sa US matapos na unang i-lift ni US President Joe Biden ang travel ban ng mga banned nations sa US, sa halip na unahin ang ibang mas importanteng problema na kailangang masolusyunan.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Lorna Ibanez Aguirre mula sa Vero Beach, Florida, sinabi nito na inaasahan naman nila na hindi magiging bias at tatapusin na ng administrasyon ni Biden ang mga problemang kinakaharap ngayon ng naturang bansa.
Sa ngayon panawagan naman ni Aguirre sa mga Pinoy na nananatili sa US na tingnan din nila ang mga nagawang mabuti ni dating US President Donald Trump dahil hindi naman umano masama ang lahat ng nagawa nito.
Kung titingnan aniya, ang naging pamumuno ni Trump ang parang pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan “straightforward” umano ang dating pangulo kung kaya marami ang nagagalit dito.
Ngunit ginagawa lamang naman umano nito ang kaniyang responsibilidad kung saan naging maganda pa aniya ang buhay ng mga residente ng naturang bansa ng umupo si Trump bilang Pangulo.
Samantala, nananatili na sa Palm Beach, Florida ang pamilya ni dating US President Donald Trump matapos ang termino nito sa White House kung saan mainit naman na tinanggap ng mga residente dito ang si Trump at ang kaniyang pamilya.









