-- Advertisements --

Isang bahagi ng crane lift sa isang under-construction condominium sa F. Torres Street, Sta. Cruz, Maynila ang bumagsak noong hapon ng Miyerkules, bandang alas-2, na nagdulot ng pinsala sa isang tao.

Ayon sa barangay officials, tinamaan sa ulo ang biktima ng isang piraso ng bakal.

“Bigla lang kami may narinig na lumagabog… ‘Yong bumagsak hanggang doon sa dulo,” ani Andy Galang, kagawad ng Barangay 303.

Batay sa initial report, ang lifting basket ng crane ay nagdadala ng buhangin nang bigla itong bumagsak.

Dahil sa impact, nasira ang safety canopy na inilagay upang protektahan ang mga motorista, at naputol din ang poste ng telekomunikasyon sa lugar.

“Mga sobra ata ‘yon sa 500 kilo. Meron laman… Buhangin… Naputol ‘yong kable,” ayon sa isang construction worker.

Dumating ang mga responders mula sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department upang magsagawa ng initial assessment.

Patuloy pa rin ang pagkukumpuni sa scaffolding o canopy na nasira.

Hanggang sa kasalukuyan, ‘wala pang opisyal na pahayag mula sa building management tungkol sa insidente.