Asahan na ang mga isolated rain showers sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes Santo, Abril 2, 2026 dulot ng easterlies o mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa forecast ng state weather bureau, makakaranas ang Batanes ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan dulot ng northeasterly windflow, ngunit wala naman itong inaasahang malaking epekto.
Samantala, makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at natitirang bahagi ng Cagayan Valley dahil sa localized thunderstorms.
Ganito rin ang magiging lagay ng panahon sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa easterlies.
Ibinabala naman ng weather bureau na ang malalakas na thunderstorms ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides.
Dagdag pa ng weather bureau, makararanas ng katamtamang lakas ng hangin at alon ang extreme Northern Luzon, habang mahina hanggang katamtaman naman ang hangin at bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng karagatan sa iba pang bahagi ng bansa.















