CAUAYAN CITY – Mabilisan lamang ang pagsulyap at pagkuha ng video sa tabi ng labi ng Pope Emeritus at hindi inaabot ng minuto kundi segundo lamang.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Arnel Lacson na nagtungo siya mismo sa St. Peter’s Square upang masilayan ang labi ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Matapos masulyapan ang labi ng Pope Emeritus ay agad ng pinapaalis upang maiwasan na magkumpulan ang mga tao.
Marami na rin siyang mga kaibigang Pilipino na mula sa Cotabato at Zamboanga na naninirahan na sa Roma ang nagpunta na sa public viewing ng namapayang Pope Emeritus.
Samantala, inihayag din ni Bombo International News Correspondent Cristy Bautista na masaya pa rin siya kahit umabot lamang ng ilang segundo para masilayan ang labi ng Pope Emeritus.
Mahigpit ang seguridad na ipinapatupad ng mga otoridad sa loob at labas kung saan nakaburol si Pope Emeritus Benedict.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng bottled water sa loob upang maiwasan na may matapunan ng tubig at magsanhi ng aksidente.