Iniulat ng municipal government ng Davao de Oro na may mga narekober na ilang parte ng katawan ng tao ang mga otoridad mula sa gumuhong lupa sa bayan ng Maco sa naturang probinsya.
Ayon kay Leah Añora ng management of the dead and missing cluster ng munisipalidad, sa ngayon ay pumalo na sa kabuuang 71 mga bangkay at parte ng katawan ng tao ang narekober ng mga search and retrieval team sa lugar.
Aniya, mula sa naturang bilang 17 mga labi ang kasalukuyan pa rin hindi matukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan.
Bukod dito ay iniulat din ng opisyal na umakyat na rin sa 47 ang bilang ng mga indibidwal na napaulat na nawawala nang dahil pa rin sa naturang trahedya.
Kung maaalala, batay sa opisyal na bilang ng inilabas ng mga kinauukulan sa ngayon ay nasa kabuuang 68 katao ang kumpirmadong patay na pawang natukoy na rin ang pagkakakilanlan.
Ayon sa mga otoridad, karamihan sa mga nawawala at biktima ng naturang pagguho ng lupa ay pawang mga pasahero ng dalawang bus na natabunan ng lupa nang mangyari ang nasabing landslide na mga empleyado naman ng isang minahan na katatapos lamang sa kanilang trabaho.
Sa ngayon nasa kabuuang 6,356 indibidwal o katumbas ng 1,637 na pamilya ang nanunuluyan sa 13 evacuation centers batay sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Habang nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang paghahatid ng tulong ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga biktima ng naturang trahedya.