Nananatiling nakataas ang tropical cyclone wind signal number 3 sa bahagi ng Isabela habang napanatili ng super typhoon Goring (international name: Saola) ang lakas nito, ayon sa state weather bureau.
Batay sa 5 p.m. weather bulletin, sinabi ng PAGASA na namataan si Goring sa layong 95 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora, na may lakas na hanging aabot sa 185 kilometro bawat oras malapit sa sentro, na may pagbugsong aabot sa 230 kph.
Kasalukuyan itong kumikilos sa timog timog-silangan, at inaasahang lilipat patungong silangan sa ibabaw ng Philippine Sea sa susunod na 12 oras.
Ang silangang bahagi ng mainland Cagayan at Isabela ay makakaranas ng 100-200 mm (halos 4 hanggang 8 pulgada) ng pag-ulan, habang ang rehiyon ng Ilocos, Apayao, Abra, Benguet, natitirang bahagi ng Aurora, silangang bahagi ng Nueva Vizcaya, at natitirang bahagi ng mainland Cagayan at Isabela ay asahan ang 50 hanggang 100 mm (2 hanggang 4 pulgada) na pag-ulan.
Nananatiling nakataas ang signal no. 3 sa silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan, Dinapigue), at ang hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag). Ang mga lugar na ito ay makakaranas ng 89 hanggang 117 kph na hangin sa loob ng hindi bababa sa 18 oras.