-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nasa tatlong paraan umano ang maaaring pag-aralan ng gobyerno upang maibsan ang labis na pagbaba ng presyo ng palay sa bansa na siyang idinadaing ng mga magsasaka sa kasalukuyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng Samahan ng Industriya at Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So na napag-aralan nila ang record ng rice importation ng bansa mula noong 2005, 2015 at ngayong taon.

Dito ay napag-alaman na tumaas sa 2 milyon MT ang rice importation ng Pilipinas.

Isa sa mga paraan ang paghihigpit ng pagbibigay ng phytosanitary certificate sa mga imported na produkto, lalo na ang bigas upang masiguro na hindi makokontamina ng anumang klase ng virus o sakit ang iba pang produkto sa bansa.

Maliban pa dito, pinatataasan din ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang taripa ng mga imported na produkto ngunit ito ay kailangan pang dumaan sa Kongreso at ang pagkakaroon ng triggered price upang maprotektahan ang mga local na magsasaka kung mapatunayang mas mababa nga ang presyo ng mga imported na bigas.

Ngunit ayon kay So, tila mas madaling maipatupad ang paghihigpit sa pagbibigay ng phytosanitary certificate sa mga imported na produkto dahil maaari na itong gawin ngayong panahon ng anihan ng mga magsasaka