-- Advertisements --
pnp chief rodolfo azurin

Inihayag ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na mayroong ilang 3rd level officials ang hindi magsusumite ng kanilang courtesy resignation.

Sa kabila ito ng naging panawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na boluntaryong magbitiw sa pwesto ang lahat ng full-pledged colonel at generals sa Pambansang Pulisya para sa internal cleansing nito.

Ayon kay Azurin, sa kaniyang pakikipag-usap sa mga apektadong police officials sa pamamagitan ng kaniyang ipinatawag na command conference ay napag-aalaman niya na karamihan sa mga tumangging magsumite ng kanilang courtesy resignation ay pawang mga personal ang dahilan.

Karamihan kasi aniya sa mga ito ay halos 30 taon nang nagseserbisyo sa pambansang pulisya at ito na raw kasi ang nagsisilbing “bread and butter” ng kanilang pamilya.

Ngunit sa kabila nito ay binigyang diin ni Azurin na dapat ay palaging isaalang-alang muna ng mga ito ang kapakanan ng buong organisasyon bago ang kanilang mga pansariling interes.

Samantala, kaugnay nito ay patuloy naman ang ginagawang paghimok ng hepe ng Pambansang Pulisya sa iba pang mga colonel at heneral na makiisa sa pagsuporta at pagsusumite ng kanilang courtesy resignation dahil ito aniya ay isang paraan na rin para malinis ng mga ito ang kanilang mga pangalan pagdating sa usapin sa ilegal na droga.

Hanggang Enero 31, 2023 ang target date ng Philippine National Police na makapagsumite na ang lahat ng mga tauhan nito ng courtesy resignation.