-- Advertisements --

Tiniyak ni bagong Negros Oriental Gov. Manuel “Chaco” Sagarbarria sa mga NegOrense na kaya nitong patakbuhin ang lalawigan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Ginawa ng bagong gobernador ang mensahe kaninang umaga, Hunyo 5, kasabay ng isinagawang flag-raising ceremony kung saan nagpahayag ito ng kanyang taos-pusong pakikiramay sa dalawang pumanaw na gobernador na sina Roel Degamo at Carlo Guido Reyes.

Kasunod ng pagpanaw ni Reyes, si Sagarbarria ay naging ikaapat na gobernador ng Negros Oriental sa loob ng hindi bababa sa isang taon.

Itinuturing pa ng opisyal na “new found friend” si Reyes at nagkavibes pa ang dalawa sa mga plano at pangarap para sa lalawigan.

Idinagdag pa nito na napapagod na siya na nahahati ang probinsya dahil sa politika at umaasang siya ang makapag-unite ng mamamayan.

Samantala, nagbibigay-pugay ang ilang mga mataas na opisyal sa yumaong gobernador kung saan kasama na dito si Senator Francis Tolentino maging ang mga lokal na opisyal.

Matatandan na noong Sabado ay naiuwi na ang labi ng dating gobernador at binigyan ito ng military honors pagdating sa Dumaguete-Sibulan airport bago dinala sa Kapitolyo para bigyang-pagkakataong ang ilang indibiwal na magbigay ng kanilang huling paggalang bago naman ito inuwi sa kanyang bayan sa Guihulngan.

Mamayang alas 5 ng hapon naman, magkakaroon ng public viewing sa Guihulngan City gymnasium.