Nagtungo ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa National Bureau of Investigation (NBI) para maghain ng reklamo laban sa isang investment firm na naka-focus sa livestock farming dahil sa di-umano’y bigo nitong ibigay ang kanilang mga pera tulad ng nakasaad sa pinirmahang kontrata ng mga OFWs.
Batay sa kanilang hinaing na isinampa sa NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division, nag-invest umano ang mga OFWs na ito ng milyon-milyong pera sa DV Boer, isang sakahan na nag-aalaga ng iba’t ibang hayop tulad ng kambing at baka.
Ayon sa mga ito, napagkasunduan na matatanggap nila ang tubo mula sa kanilang in-invest na pera noong Pebrero at Marso ng kasalukuyang taon ngunit hanggang ngayon daw ay wala pa rin silang nakukuha.
Una na raw humingi ng palugit ang DV Boer para ibigay ang kanilang pera sa susunod na taon dahil dumadanas umano ng “economic difficulties” ang nasabing kumpanya.
Subalit bigla namang tumama ang COVID-19 pandemic sa bansa kung kaya’t ginamit din itong dahilan ng kumpanya para hindi muli ibigay ang kanilang pera.
Dagdag pa ng mga OFWs na mayroon silang tatlong taon na kontratang pinirmahan sa DV Boer kung saan bawat isa ay tatanggap ng 30 percent mula sa kanilang investment.