BOMBO DAGUPAN -Mas nakakaalarma ngayon ang nagaganap na pagsalakay ng mga teroristang Hamas sa lungsod ng Gaza sa Palestine kung ikukumpara sa mga nakaraang pag-atake ng mga ito sa Israel.
Ito ang pahayag ni Danes Balotaolo, ang Bombo International News Correspondent sa Israel, sa eksklusibong panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, kung ikukumpara sa mga nakaraang pag-atake, hanggang air strike lamang umano ang mga terorista ngunit mas nakakapangamba na aniya ngayon ang kanilang isinasagawang gulo.
Kaugnay nito, nakaka-idlip lamang umano sila kapag isinasaad sa ulat na kontrolado ng mga hukbo ng Israel ang nangyayaring kaguluhan ngunit mas marami umano ang oras na hindi sila makatulog lalo na tuwing gabi dahil sa pangamba.
Bagamat malayo sa Gaza ang kinaroroonan ni Balotaolo, dinig pa rin nila ang pagsabog ng mga bomba.Madalas aniyang mag-umpisa ang labanan tuwing sumasapit ang alas-5 hanggang alas-8 ng umaga.
Samantala, pareho rin ang naging sentimyento ni Lovella Peronilla, isa ring Bombo International News Correspondent sa naturang bansa.
Ito na umano ang pangalawang beses niyang masaksihan ang giyera sa Israel at kung ikukumpara sa unang karanasan nito, medyo kampante pa aniya sila noon dahil air strike lamang ang paraan ng pag-atake.
Sa kasalukuyan ay wala na aniyang pinipiling pasabugin ang mga terorista.