-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Ipinaliwanag ng isang abogado na matagal talaga ang natural na takbo ng criminal procedure sa rules of court lalo na kung ito ay dadaan sa tamang proseso.

Ito ang ibinahagi ni Atty. Francis Abril, isang political analyst kaugnay sa katanungan kung bakit napatagal ang proseso ng kaso ni dating senadora Leila De Lima.

Aniya, tatlong kaso kasi ang ipinataw sa dating senadora kung saan pangatlo rito ang drugs conspiracy nito kasama si Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu.

Bagamat ginagawan naman aniya ng paraan ng judiciary na pabilisin ang proseso ngunit may tinatawag kasi aniyang due process o kada komento ng bawat partido ay hinihingi ang kaakibat na reaksyon ng prosecution.

Nilinaw naman ni Atty. Abril ang alegasyong marahil ay ginagamit lamang ang Department of Justice para sa political enemy ng administrasyon at ipinaliwanag na mayroon naman sinusundan na protocol ang prosecution service na hindi mag-aakyat ng kaso kung walang probable cause na kamakailan lamang din aniya ay itinaas na ang standard.

Dapat aniya ang probable cause ay pasok sa reasonable certainty of conviction.

Kaugnay nito, nakatakda pa rin aniyang suriin ng korte ang mga kumakalat na false accusations at mga recantation na umano’y nagpapahina ng kaso ni De Lima.

Pababalikin pa naman aniya sa korte si De Lima upang dumaan sa mga kaukulang mga tanong dahil kung titignan aniya sa anggulo ng vindication, marahil ay mayroong mga nag-pressure sa mga witnesses ng kaso ng dating senadora upang ibahin ang kanilang testimonya.

Dagdag pa ni Atty. Abril na sa kaso ni De Lima, mahina ang ebedensya kaya napayagan ang bail at kung mahina ang ebedensya ang normal na remedyo ng isang abogado ay magpipila sila ng demurrer to evidence sa akusado.