-- Advertisements --

Suportado ng apat na alkalde sa Metro Manila ang pagpapalawig pa ng general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) kaysa ibaba ito sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ).

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, hindi pa raw handa ang NCR na ilagay ito sa MGCQ. Dapar aniya ay matuto ang lahat sa nakaraan noong pinilit na luwagan ang community quarantine ay binalik din ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ganito rin ang pananaw ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, sinabi nito na patuloy ang gagawing evaluation ng mga alkalde kung papaano luluwagan ang iba’t ibang protocols na magiging daan din upang makabangon ang mga sumadsad na negosyo.

Panawagan naman ni Pateros Mayor Ike Ponce na hindi dapat magpakampante ang lahat para hindi mabalewala ang mga hakbang ng gobyerno upang labanan ang COVID-19. Mas makabubuti umano kung makaka-isip pa ang mga alkalde ng ibang paraan upang tumulong sa pagbubukas ng ekonomiya sa kalakhang Maynila.

Nais naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mas bumaba pa ang kasong naitatala sa Maynila bago nito suportahan ang pagpapaluwag ng quarantine restrictions.

Malaki raw kasi ang pagbabago sa bilang ng naitatalang kaso sa San Juan noong nasa ilalim ito ng GCQ. Ibig sabihin lang aniya nito ay epektibo ang kanilang mga hakbang para hindi na kumalat pa ang nakakamatay na virus.

Kapansin-pansin din umano na mas naging disiplinado ang mga tao at natutong sumunod sa mga umiiral na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.