-- Advertisements --
2

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagbalik-loob sa gobyerno ang ilang miyembro umano ng dating kilabot na grupong Maute-ISIS na nasa likod ng bigong pag-okupa sana sa pamahalaang lungsod ng Marawi, Lanao del Sur noong Mayo 2017.

Tuluyan na kasing itinakwil ng dalawang natitirang terorista ang radical ideology ng grupo na nagtangkang pabagsakin ang gobyerno ng Marawi at nagpa-kustodiya sa 103rd IB, Philippine Army upang hindi balikan ng kanilang kasamahan.

Inihayag ni 103rd IB commander Brig. Gen. Jose Maria Cuerpo na naging posible ang pagsuko nina alyas Hodaifa,19 at alyas Mosab na pawang taga-bayan ng Piagapo, Lanao del Sur dahil na rin sa pagtulong ng upong si Vice Mayor Ali Sumandar.

Sinabi ni Cuerpo na tinalikuran ng dalawang hard core members ang armadong pakikibaka dahil nilinlang lamang sila at ginamit ang tinawag na “violent extremism” bilang totoong jihad para maghasik kaguluhan sa mga lugar na nakabase ang mga sibilyan.

Salaysay ng opisyal na kabilang ang dalawa sa mga armadong panggugulo sa Lanao Sur na tinapatan naman ng militar kasama ang pulisya lalo ang naglimang buwan na urban warfare sa loob ng Marawi City.

Bitbit ng dalawang nagsisuko ang kanilang pawang malakas na uri ng mga baril kasama ang mga bala nito nang sumuko.

Magugunitang simula nang napabagsak ang Lanao based terror group ay daan-daan na ang nagsisuko na binago ang mga buhay dahil sa mga programang pagkabuhayan na ipinagkaloob para sa kanila ng gobyerno.