CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa pitong long firerarms at tatlong rifle grenades ang nakumpiska ng militar na nakatago sa loob ng hall ng Barangay Darimbang, Tagoloan, Lanao del Norte.
Ito’y matapos nilusob ng 4th Mechanized Batallion ng Philippine Army ang nasabing kontranbando na nakaimbak sa kustodiya ng barangay officials sa nabanggit na probinsya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command spokesperson Maj. Arvin Encinas na bagama’t hindi muna pinangalanan ang mga sangkot subalit pinagpapaliwanag ang barangay kapitan, mga konsehal at tanod kung bakit hawak nila ang nabanggit na mga baril.
Sa ngayon ay hawak ng Joint Task Force Zamboanga Peninsula and Lanao del Provinces ay ang tatlong M16 rifles, browning automatic rifle, tatlong shotgun, tatlong rifle grenades at ang sari-saring mga bala.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang AFP sa pulisya upang maisampa ang kaukulang kaso laban sa mga opisyal ng barangay lalo kung mabigo ang mga ito na makapagprisinta ng mga dokumentong magpapatunay na legal ang mga baril.