VIGAN CITY – Humingi ng tulong sa Bombo Radyo ang ilang pasaherong senior citizen na nakansela ang flight pauwing Mindanao matapos umano silang pabayaan ng airline company kung saan sila nagpa-book ng flight.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inihayag ni Merly Laud, 73-anyos mula sa Davao del Norte, nagtungo umano sila sa Metro Manila para asikasuhin ang claims nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakapag-pa-book na aniya sila ng flight pauwi sa Mindanao nang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa community quarantine ang buong Metro Manila dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, naghanap sila ng available flight pauwi at tanging Clark Airport to Davao del Norte ang kanilang nakita kaya nagtungo sila sa Clark International Airport.
Ngunit nang makarating naman sila sa Clark, na-cancel na ang kanilang flight dahil sa “enhanced community quarantine.”
Masama umano ang kanilang loob dahil hindi sila inasikaso ng airline company kung saan sila nagpa-book ng ticket at hindi rin daw sila tinatrato ng maayos ng mga nakabantay na otoridad sa airport.
Sa ngayon, kinukuha pa ng Bombo Radyo Vigan ang komento ng pamunuan ng Clark International Airport hinggil sa pangyayari.