Nagsama-sama ang ilang mambabatas mula sa Southeast Asia upang manawagan sa gobyerno ng Pilipinas na itigil na ginagawa nitong red-tagging sa ilang miyembro ng oposisyon dahil nalalagay umano sa panganib ang buhay ng mga ito.

Sa isang pahayag, sinabi ng ASEAN Parliamentarians for Human Rights (APHR) na ang red-tagging o pag-konekta sa mga indibidwal sa mga komunistang grupo ay maaaring mauwi sa pagkamatay ng mga ito.

Ang tinutuloy ng APHR ay ang walang humpay na pag-red tag umano ng gobyerno sa Makabayan bloc at miyembro nito na si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Partikular na nina Pangulong Rodrigo Duterte at National Task Force to End Local Communist Armed Insuregncy (NTF-ELCAC).

Ayon kay Malaysian Member of Parliament Charles Santiago, dahil daw sa red-tagging ay tila pinatatahimik ang oposisyon at sinisira ang demokrasya ng bansa.

Ilang beses nang nadawit si Zarate at iba pang miyembro ng Makabayan bloc sa ginagawang red-tagging ng NTF-ELCAC sa paniniwal ng mga ito na kasapi sila ng Communist Party of the Philippines at New Peoples Army (CPP-NPA).

Mariin naman itong tinututulan ng mga mambabatas at iginigiit na hindi sila konektado sa anumang rebeldeng grupo. Hindi raw kasi maaaring gawing basehan ng alegasyon ang suportang ipinapakita ng mga ito sa CPP.