-- Advertisements --
image 149

Muling ipinapanawagan ng minority solon sa Kamara ang kalayaan ni dating Senator Leila de Lima.

Kasunod ito sa nangyaring pangho-hostage sa dating senador na kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police Custodial Center Linggo ng umaga.

Inihayag ni Independent Minority at Albay 1st District Representative Edcel Lagman, imbes na bigyan ng opsyon na lumipat ng detention facility, dapat ay palayain na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si De Lima na limang taon nang nakakulong dahil lamang sa gawa-gawang drug charges.

Samantala, pinasisiyasat naman ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas kung paanong nakapasok sa Maximum Security Custodial Center ang armadong detainees.

Si Deputy Minority Leader France Castro, nanawagan din sa mga kasamahang mambabatas na aksyunan ang House Resolution 198 na humihimok sa Department of Justice na bawiin na ang natitirang kaso laban kay De Lima.

Hirit din nito na hayaan na lang magpiyansa ang dating senador para sa kalayaan nito lalo at ang mga tumayong witness sa kaso laban sa kanya ay binawi na ang mga salaysay.