CAUAYAN CITY – Nagpalipas ng gabi ang ilang mga residente sa kanilang mga sasakyan matapos ang malawakang pagbaha na nararanasan sa Ilagan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Analisa Lagalino ng Brgy. Alinguigan 2nd, dahil nalubog sa tubig baha ang kanilang bahay na malapit sa ilog ay minabuti nilang manatili muna sa sasakyan ng kanilang amo.
Aniya, bagamat napaghandaan ng kanilang pamilya ang pananalasa ng Bagyo ay hindi naman nila inasahan ang pagbaha.
Sa ngayon ay sa kalsada na rin sila nagluluto at kumakain kaya hiling nila sa pamahalaan ang sapat na suplay ng pagkain.
Ayon naman kay Punong Barangay Heherson Rivero ng Alinguigan 2nd, problema nila ngayon ang malinis na tubig dahil sarado ang mga water refilling station.
May mga nagtutungo naman aniya sa kanilang barangay para magdeliver ng tubig subalit hindi ito sapat para sa kanyang nasasakupan.
Sa ngayon ay umaabot sa mahigit dalawampong pamilya at nasa higit animnapong indibidwal ang inilikas sa isang simbahan sa kanilang barangay.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng relief distribusyon ng pamahalaang lunsod ng Ilagan sa mga apektado ng pagbaha.