-- Advertisements --

Binaha ang ilang lugar sa Metro Manila matapos ang malakas na buhos ng ulan dulot ng epekto ng Super Typhoon Inday, base sa ulat kaninang alas-6:50 ng umaga ngayong Miyerkules ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa Valenzuela City, nakaranas ng pagbaha sa may barangay Dalandanan, MacArthur Highway corner C. Santiago St. subalit humupa na sa ngayon.

Sa Navotas City naman, below gutter deep o anim na pulgadang tubig-baha ang naitala sa Brgy. San Jose, M. Naval Corner E. Tuazon at Brgy. San Jose, M Naval Hospital patungong E. Tuazon subalit nadaraanan pa rin ng lahat ng uri ng sasakyan.

Apat na pulgadang tubig-baha mnaman ang naitala sa Brgy. Daanghari, Gov. Pascual patungong Apahap at Brgy. Daanghari, M. Naval corner patungong Daanghari, na nadaraanan naman na ng lahat ng sasakyan.

Sa Malabon City, umabot sa walong pulgadang tubig-baha ang naranasan sa may Brgy. Tañong, F. Sevilla Blvd, subalit passable sa lahat ng uri ng sasakyan.

Patuloy naman ang abiso ng mga awtoridad sa publiko na maging alerto lalo na sa mga nasa low-lying areas at bulnerable sa baha at pagguho ng lupa sa gitna ng inaasahang epekto ng Super Typhoon na kasalukuyang nasa loob na ng teritoryo ng Pilipinas.