LEGAZPI CITY – Matindi ang naging epekto sa takbo ng trapiko sa Barangay Batolinao papuntang Salvacion ng bayan ng Baras, Catanduanes, matapos na magkaroon ng landslide.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Baras Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Engr. Khalil Tapia, saktong dumadaan ang kanilang team sa lugar mula sa isang aktibidad sa barangay nang biglang gumuho ang malaking parte ng bundok sa kalye.
Wala namang nasugatan sa insidente subalit pahirapan ang pagtanggal sa mga gumuhong lupa at malalaking bato kaya hindi na nadaanan pa ang lugar.
Kaagad namang nag-request ng tulong ang MDRRMO mula sa lokal na gobyerno na nagpadala na ng backhoe at nakatakdang tanggalin ang mga nakabara sa kalye sakaling gumanda na ang panahon ngayong araw.
Ayon kay Tapia, dulot ang landslide ng walang humpay na pag-ulan kung kaya pinag-iingat ang mga residente sa lugar dahil maaaring maulit ang pagguho ng lupa.