Binabalaan ngayon ang mga konsyumer sa bansa laban sa pagkain ng mga lamang dagat na nakolekta mula sa anim na lugar sa bansa.
Ang mga ito raw kasi ay nananatiling positibo sa paralytic shellfish poison (PSP).
Ito ay ang coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Tambobo Bay sa Siaton, Negros Oriental; coastal waters ng Calubian sa Leyte; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Balite Bay sa Mati City, Davao Oriental; at Lianga Bay at coastal waters ng Hinatuan sa Surigao del Sur.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na base sa latest laboratory results ay nabatid na ang mga shellfish na kinolekta sa mga nabanggit na coastal waters ay positibo rin sa paralytic shellfish poison na sobra pa sa regulatory limit.
Lahat ng uri ng shellfish at alamang na nakuha mula sa mga lugar na ito ay hindi ligtas na kainin ng publiko.
Samantala, nilinaw ng ahensya na ang mga isda, pusit, hipon at alimango ay nananatiling ligtas na kainin basta siguraduhin munang nahugasan at nalinisan ito ng maayos. Gayundin ang pagtanggal sa internal organs, tulad ng hasang at intestines, bago lutuin.