-- Advertisements --

Dinepensahan ng ilang kongresista si House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, na umani ng batikos dahil sa kanyang naging hamon sa mga senador patungkol sa economic Charter Change o Cha-Cha.

Sa presscon ngayong hapon dito sa Kamara, natanong sina House Deputy Speaker David Suarez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ukol sa pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa hamon ni Dalipe.

Sinabi kasi ni Villanueva na “who is he?”

Ayon kay Barbers, dito papasok ang “inter-parliamentray courtesy.” Sana aniya ay may respeto sa mga inilalabas na pahayag ng mga miyembro ng Kongreso.

Kung may hamon man si Dalipe, sinabi ni Barbers na ito’y dahil sa tingin ng Majority Leader ng Kamara ay “urgent” na usapin ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Sa panig ni Suarez, pabiro niyang sinabi na “sino nga ulit yun?” sa pasaring kay Villanueva, sabay tawa.

Pero ayon kay Suarez, bilang Majority Leaders ng dalawang Kapulungan ay tiyak na kilala nina Villanueva at Dalipe ang isa’t isa.

Apela ni Suarez kay Villanueva, wala naman sanang “name calling” lalo’t marami nang nasaktan sa mga naunang pahayag niya, at ngayon at dadagdagan pa.

Binigyang diin ni Suarez na mas mabuting mag-move forward na sa diskusyon ukol sa economic Cha-Cha, at ipasa na ang Resolution of Both Houses no. 6.