Ilang bahagi ng Quezon City ang binaha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat ngayong gabi, ayon sa road status report ng lungsod pasado-9:03 ng gabi nitong Agosto 10, 2026.
Pinakamalalim ang baha sa ilang bahagi ng Barangay Bagong Silangan, kung saan umabot sa chest-deep o 45 inches ang tubig sa USNA Compound, New Greenland at Bonifacio.
Nakapagtala rin ng kaparehong lalim ng baha sa West Riverside corner Pat. Senador sa Barangay Del Monte.
Umabot naman sa waist-deep o 37 inches ang baha sa Diamond HOA, Sunrise HOA, Comya HOA, New Greenfield, Pinaglabanan at Tumana sa Barangay Bagong Silangan.
Samantala, tire-deep o 26 inches ang baha sa NS Amoranto corner Palili Street sa Barangay Sienna.
Nasa knee-deep o 19 inches naman ang baha sa ilang bahagi ng Barangay Sienna, kabilang ang NS Amoranto corner Bingo Street, Don Jose Street corner Sct. Alcaraz Street, at NS Amoranto corner Tabayoc Street.
May mga lugar ding nakapagtala ng half-tire-deep o 13 inches na baha sa NS Amoranto corner Banawe at NS Amoranto corner Ubay Street.
Sa Barangay Manresa, umabot naman sa half-knee-deep o 10 inches ang baha sa 141 Mauban Street corner Sto. Domingo.
Samantala, gutter-deep o walong inches ang baha sa ilang bahagi ng Sienna, Doña Josefa, Paang Bundok, Sto. Domingo, San Roque, Bungad at Tandang Sora.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Quezon Avenue corner Biak na Bato, Quezon Avenue corner D. Tuazon, A. Boni corner Mariveles at Calavite, Biak na Bato corner Florentino, E. Rodriguez corner D. Santos, Judge Juan Luna corner Baler Street, A. Rodriguez Avenue corner D. Muñoz Avenue, Banlat Road at Tandang Sora Avenue.
Samantala, humupa na ang baha sa ilang bahagi ng Barangay Santol, Pinyahan, Doña Imelda at Tatalon, kabilang ang G. Araneta corner Baloy, V. Luna corner Matimpiin, G. Araneta corner E. Rodriguez at G. Araneta corner Kitanlad.
Pinapayuhan ang mga motorista na umiwas sa mga kalsadang mataas ang baha.
















