Isasara simula bukas ng gabi ang ilang kalsada sa Maynila bilang paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo sa darating na Enero 9.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), simula bukas alas-10:00 ng gabi ay isasara ang ilang mga kalsada sa Maynila.
Kabilang dito ang southbound lane ng Quezon Boulevard (Quiapo) mula A. Mendoza/Fugoso St. hanggang Carlos Palanca St; northbound lane ng Quezon Boulevard mula Carlos Palanca St. hanggang Fugoso St.
Isasara rin ang Westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang A. Mendoza St; ang kahabaan ng Evangelista St. mula P. Paterno St. hanggang Recto Avenue; at kahabaan ng Palanca St. mula Carriedo/Plaza Lacson hanggang P. Casal St.
Samantala, magpapatupad din ng rerouting scheme simula bukas sa ilang mga lugar sa Maynila.
Lahat ng mga sasakyan na dadaan sa Quezon Boulevard mula sa A. Mendoza St. ay dapat na mag-right turn sa Fugoso St. kaliwa ng Rizal Avenue.
Ang mga sasakyan naman na mula Quezon City na gumagamit ng southbound lane ng España Ave ay pinaliliko sa kaliwa patungong Nicanor Reyes St. bago kumanan sa CM Recto Avenue, saka lumiko ng kanan sa P. Campa St. at kumaliwa naman sa A. MEndoza St. at pakanan sa Fugoso St.
Iyong mga galing sa McArthur Bridge na balak dumaan sa Palanca St. ay pinadidiretso na lamang sa Rizal Avenue.
Habang ang mga sasakyan na mula naman sa Ayala Bridge na balak dumaan sa Palanca St. ay pinadidiretso sa P. Casal St.
Samantala, ang mga sasakyan mula sa Padre Burgos Avenue na balak dumaan sa Quezon Bridge ay pinadidiretso naman sa McArthur Bridge o Jones Bridge.










