Nagbabala ang ilang international environmental groups laban sa paggamit ng waste-to-energy o ang paggamit ng mga basura para gawing kuryente dahil nakalalason umano ito sa mga tao at mapanganib para sa kapaligiran.
Sa inilabas na press release ng Global Alliance for Incinerator Alternatives, ang incineration daw ay isa sa pinakamapinsala sa kapaligiran at maituturing din umanong magastos na disposal method.
Dagdag pa nito, ang incineration daw ang pinakamaruming pinagkukunan ng kuryente dahil naglalabas ito ng 3.8 times kaysa sa greenhouse gases.
Nanawagan naman ang Zero Waste Asia na itigil ng International Finance Corporation at Asian Development Bank ang funding ng waste-to-energy projects dahil hindi umano ito makatarungan.
Sinegundahan naman ito ng Sustainable Just Economic Systems dahil kahit nababawasan umano ang mga plastic sa kapaligiran ay naglalabas naman daw ito ng malaking carbon dioxide kapag isinagawa na ang waste-to-energy na proseso.