-- Advertisements --
image 539

Iniulat ng National Capital Region Police Office na may ilang indibidwal na ang nasampolan ng kanilang implementasyon ng gun ban at campaign against loose firearms sa bansa.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ay sinabi ni NCRPO Chief PBGEN Jose Melencio Nartatez anim na buwang pinaghandaan ng kanilang hanay ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre 2023.

Isa aniya sa mga major activity nito ay ang certificate of candidacy filing na nagsisilbing hudyat na rin sa pagsisimula ng election period sa bansa.

Kasabay ng pagbubukas ng paghahain ng COC ng mga tatakbong kandidato sa naturang halalan ngayong araw ay ang pagsisimula rin ng implementasyon ng election gun ban sa iba’t-ibang panig ng bansa na magiging epektibo hanggang sa pagsapit ng mismong araw ng eleksyon sa Oktubre 30, 2023.

Ayon kay PBGEN Nartatez, sa ngayon ay mayroon nang limang indibidwal ang nasampolan ng ipinapatupad na election gun ban at campaign against loose firearms ng PNP mula sa mga COMELEC checkpoints at iba’t-ibang mga police operations na ikinasa ng kapulisan.

Sa bukod naman na statement ay kinumpirma din ni PNP-PIO Chief PBGEN Redrico Maranan na may isang indibidwal na nahuling lumabag sa election gun ban ngayon na kinilalang si Melquiades Quieta na isang body guard.

Si Quieta ay naharang sa isang COMELEC checkpoint sa Brgy. Trece Martirez City sa lalawigan ng Cavite matapos na bigong makapagpakita ng gun ban exemption sa mga otoridad.

Dahil dito ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa COMELEC Resolution 10918 si Quieta na nagtatadhana ng mga panuntunan sa pagpapatuapd ng election gun ban sa bansa.

Una nang pinaalalahan ng mga kinauukulan na tanging mga unipormadong kapulisan lamang tulad ng mga pulis, at sundalo na naka-duty ang pinahihintulutang makapagdala ng armas, gayundin ang mga indibidwal na mayroong nakuhang gun ban exemption mula sa COMELEC.