-- Advertisements --
pnp

Inihayag ni Philippine National Police Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring ilang mga pulis ang nag-aalinlangan na maghain ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng paglilinis sa buong hanay ng kapulisan.

Sa pulong balitaan ngayong araw ay inamin ni Azurin na sa ngayon ay nasa 24 na mga 3rd level officials pa ng PNP ang hindi pa nagsusumite ng kanilang courtesy resignation.

Dalawa sa mga ito ay mga heneral, habang lima naman ang pawang mga koronel na nakatakda nang magretiro sa unang bahagi ng taong ito.

Paliwanag ng hepe ng Pambansang Pulisya, isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi pa nagpapasa ang mga ito ay dahil sa matagal na panahon na ang kanilang panunungkulan sa PNP at ito lamang ang bumubuhay sa kanilang pamilya, habang ang iba naman ay nangangamba na baka sila ay madawit sa ilegal na droga kahit na sila ay malinis, sakaling magkaroon man daw ng pagkakamali sa magiging evaluation at assessment ng Committee of Five.

Ito ang dahilan kung bakit patuloy aniya ang kanilang ginagawang paghimok sa mga magiging kinatawan ng 5-man commitee na siyang sasala sa mga heneral at koronel ng PNP na maging patas at huwag mababahiran ng pulitika ang kanilang assessment ukol dito.

Ngunit gayunpaman ay umaasa pa rin si Azurin na magkocomply ang mga police officials na hindi pa nagpapasa ng courtesy resignation hanggang Enero 31, 2023 na itinakdang deadline sa pagghahain nito.

Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ni Azurin na sa ngayon ay pumapalo na sa 928 na mga 3rd level officials ang nagsumite na ng courtesy resignation.

Katumbas ito ng 97% ng kabuuang bilang ng 953 generals at full-pledged colonels ng Pambansang Pulisya.