Bilang pagpapakita ng mahigpit na pagtutol sa planong expansion ng pilot study para sa motorcycle taxi, naghain ng Temporary Restraining Order sa Mandaluyong City Regional Trial Court ang isang grupo ng PUV operators.
Ito upang harangin ang planong extention ng naturang pilot study para sa Motorcycle Taxi ng pinapangunahan ng LTO, LTFRB at Technical Working Group.
Sa isang pahayag sinabi ni Raphael “Alpha” Martinez, Operator ng UV Express, magkakaroon umano ng malaking kalugihan para sa kanila kung papayagan paring pumasada ang mga motorcycle taxi.
Kung maaalala, naglabas ang DOTr ng special order noong 2019 para lumikha ng Technical Working Group .
Ito ay may mandatong pag-aralan ang panuntunan sa regulasyon ng MC Taxi.
Nilinaw naman ni Martinez na hindi sila tutol sa paglalagay ng motorcycle taxi ngunit kinakailangan muna ng batas na magtataguyod para dito.
Punto pa nito na limang taon nang pinag-aaralan ang Motorcycle Taxi ngunit hanggang ngayon ay wala paring malinaw na datos ang Technical Working Group kung maganda ang naging resulta at kung kailangan nang ilagay sa legal na proseso.