Nagprotesta ang ilang grupo sa labas ng Batasang Pambansa Complex sa lungsod ng Quezon ngayong araw kung saan inadress ni Japan PM Fumio Kishida ang special joint session ng Kongreso.
Ang inilunsad na kilos-protesta ng grupo gaya ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Gabriela ay upang ihayag ang kanilang pagtutol sa nilulutong mala-Visiting Forces Agreement na mayroon ang Pilipinas sa Amerika.
Ito ay ang Reciprocal Forces Agreement (RAA) at Official Security Assistance na inialok ni Japanese PM Fumio Kishida sa PH.
Kaugnay nito, nagbabala ang grupo na hindi lamang ito nagpapababa sa soberanya ng ating bansa kundi lalo lamang itong magpapalala sa tensiyon sa rehiyon.
Sa isang statement na inilabas ng BAYAN ngayong araw, sinabi nito na makakadagdag lamang ang naturang kasunduan sa volatile mix ng military forces sa rehiyon.
Anila, bagamat lumalabas na ito ay para labanan ang agresibong aksiyon ng China sa West PH Sea, ang paglalagay aniya ng mga Hapong sundalo, mga pasilidad at kagamitan sa bansa sa semi-permanent o permanent basis ay posibleng kabaliktaran ang mangyari.
Binatikos naman ng Gabriela ang kasunduan at iginiit ang kalupitan ng Japan laban sa comfort women noong World War II.
Sa halip aniya na pahintulutan ang pagdagsa ng mga sundalong Hapon sa PH, dapat umanong komprontahin ni PBBM si PM Kishida kaunay sa mga kaso ng karahasan, abuso at panggagahasa na sinapit ng mga Pilipinang comfort women.
Inihayag din ng Gabriela na ang kasunduan ay nakatali sa hakbang ng Estados Unidos para ipagpatuloy ang kontrol nito sa Asya.
Maaalalang dumating sa bansa ang mataas na lider ng Japan nitong hapon ng Biyernes para sa dalawang araw na official visit.
Nitong Biyernes nga ay ibinunyag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at PM Kishida na magsasagawa ng mga negosasyon ang PH at Japan para sa naturang kasunduan na kapareho ng visiting forces deal na nagpapahintulot sa mga tropa mula sa ibang bansa para malayang makabisita pansamantala sa isang bansa.