Inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa Anti-Illegal Logging Task Force (AILTF) ang pagsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa ilang concerned government officials at private entities dahil sa patuloy na paglabag sa environmental laws sa protected watershed areas sa San Roque, Baras sa Rizal.
Ayon kay DILG spokesperson and Undersecretary Jonathan Malaya dapat lamang managot ang mga nasabing opisyal at private individuals dahil sa illegal entry, illegal logging, at encroachment/ construction ng isang private resort at iba pang infrastructure sa bisinidad ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) sa Rizal.
Batay kasi sa isinagawang site inspection ng mga opisyal ng DILG at DENR nakumpirma na nagkaroon ng iligal na pagputol ng mga kahoy at kaingin activities sa loob ng 116 hektarya ng lupain at illegal constructions ng GSB Resort sa mismong San Roque main road and waterways na kabilang sa protected areas sa Rizal.
Binigyang-diin ni Malaya na ang nasabing mga aktibidad ay nakakaalarma, dahil binusabos umano nila ang kalikasan at naghahari-harian pa sila sa lugar at hindi sumusunod sa mga otoridad at sa mga batas para protektahan ang kalikasan.
Patung-patong na kaso ang kahaharapin ng mga nasabing government officials at ilang mga pribadong indibidwal gaya ng paglabag sa Upper Marikina Protected Landscape Declaration; RA 7586 or the National Integrated and Protected Areas System (NIPAS) Act; the Revised Forestry Code (PD 705); the Water Code of the Philippines; at ang DENR DAO 1993-33 (Masungi Strict Nature Reserve & Wildlife Sanctuary).
Ang naging aksiyon ng DILG ay bunsod sa reklamo ng Masungi Georeserve Foundation (MGF) na humihingi ng tulong hinggil sa ilgal na pagpasok ng GSB Resort na pag-aari ng isang Arnel Olitoquit at Jay Sambilay.
Sinabi ni Malaya sa kabila ng babala mula sa gobyerno, ipinagpatuloy pa rin ng mga ito ang pagtayo ng infrastructure sa nasabing lugar.
Una rito naglabas na ang DENR Rizal na show-cause order sa may-ari ng nasabing resort na nagmantini ng private mini-resort at binakuran pa ang ilog na malinaw na paglabag sa NIPAS Act na wala man lamang permit sa Baras LGU.
Batay sa Section 20 ng NIPAS Act, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo o pag construct ng anumang istruktura ng walang permit sa loob ng protected areas, ang sinumang lalabag dito ay may karampatang parusa pagbabayad ng P5,000 o hanggang P500,000, o pagkakabilanggo ng isang taon hanggang anim na taon depende sa desisyon ng korte.
Giit ni Malaya, nasa COVID-19 pandemic pa rin ang bansa kaya apela ng opisyal na huwan naman dagdagan ang pagsira sa kalikasan kaya nararapat lamang protektahan ang natitirang watersheds gaya ng nasa Rizal.