-- Advertisements --
itogon

BAGUIO CITY – Kinumpiska ng municipal task force kontra iligal na pagmimina ang ilang kagamitan ng mga gold processors sa unang araw ng pag-iikot ng mga ito sa mga processing plants ng mga gold processors sa bayan ng Itogon, Benguet.

Ayon kay Police Maj. Rommel Sawatang, hepe ng Itogon PNP, may mga ipinasara din ang task force ilang mga processing plants na gumagamit ng cyanide sa pagkuha ng ginto, partikular sa Barangay Gumatdang at Balatoc, Virac.

Unan nang binuo ni Itogon Mayor Victorio Palangdan ang nasabing task force na tututok sa iligal na operasyon ng mga gold processors na gumagamit ng carbon-in-pulp pads at leaching pads o carbon-in-leach sa nasabing bayan.

Aniya, direktang ibinabasura ng mga gold processors ang kanilang mineral wastes sa mga pangunahing ilog sa bayan na dahilan ng pagkalason ng tubig.

Nagresulta aniya ito ng fish kill sa mga barangay ng Tinongdan at Dalupirip na gumagamit sa mga nasabing ilog.

Iginiit ng alkalde na hindi na pwedeng kainin ang mga isdang inaalagaan ng mga residente sa lower stream ng Itogon dahil sa pagkalason ng mga ito.

Napag-alaman na mabaho na ang mga nasabing ilog kung saan nag-iba ang kulay ng tubig na dumadaloy mula sa upper stream.

Ipinasigurado ni Mayor Palangdan ang paghuli ng task force sa mga gold processors na patuloy na magbabasura ng mineral waste sa mga ilog.