-- Advertisements --

Nagpahayag din ng mariing pagkondena ang ilang foreign diplomats sa pambobomba sa Mindanao State University sa lungsod ng Marawi nitong linggo na ikinasawi na ng 4 na indibidwal at ikinasugat ng 50 katao.

Inihayag ni British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils na kinokondena ng United Kingdom ang walang kabuluhang gawain ng karahasan, lalo na sa kasagsagan pa aniya ng Mindanao Peace Week at pagsisimula ng Adbiyento.

Suportado din ng UK ang mga hakbang para mapanagot ang mga nasa likod ng bombing incident. Inihayag din ng British envoy ang labis na kalungkutan sa nangyari at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.

Nagpahayag din si US Ambassador to the PH MaryKay Carlson ng panawagan para sa hustisya at sinabing sinusuportahan ng gobyerno ng US ang mga pagsisikap na panagutin ang mga salarin.

Ipinaabot din ng US envoy ang taus-pusong pakikiramay ng Estados Unidos sa mga mahal sa buhay ng mga nasawing biktima.

Samantala, sinabi ng Ambassador ng European Union sa Pilipinas na si Luc Véron na “walang lugar ang karahasan sa mga paaralan” at nagpaabot ng kanyang pakikiramay sa mga nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay dahil sa pag-atake.

Ang Embahada ng France sa Pilipinas ay nag-alay din ng pakikiramay sa mga biktima ng pag-atake at tiniyak sa mga Pilipino ang kanilang pakikiisa sa gitna ng kasuklam-suklam na pag-atake ng mga terorista.

Nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay ang Embahada ng Ireland sa Maynila at nanawagan sa mga mamamayan ng Ireland sa bansa na maaaring naapektuhan ng pag-atake na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Iginiit naman ni Japanese Ambassador to the Philippines, Kazuhiko Koshikawa, na committed ang Japan na suportahan ang peace process para makamit ang tuluy-tuloy na kapayapaan at istabilidad sa Mindanao.

Una rito, tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mga banyagang terorista ang nasa likod o responsable sa pambobomba sa Marawi City.

Mariin ding kinondena ng Chief Executive ang insidente at sinabing gagawin ng gobyerno ang lahat para mapanagot ang mga salarin.