Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring lumiban ang ilang mga empleyado dahil sa matinding init na nararanasan ngayon sa bansa, ngunit hindi sila mabibigyan ng karampatang bayad para sa nasabing araw.
Ito ang ipinaliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma batay sa Department of Labor and Employment advisory No. 17 series of 2022, na may opsyon ang mga empleyado na lumiban muna sa trabaho dahil sa panganib may kinalaman sa mainit na panahon dulot ng El Niño phenomenon.
Aniya, ang sobrang init na nararanasan ngayon ay isang ‘weather disturbance’ kung kaya’t maaaring hindi na muna pumasok ang mga manggagawa lalo na kung alam nilang magdudulot ito ng panganib sa kanila.
Gayunpaman, nilinaw ng nasabing ahensya na ang empleyadong hindi papasok ay hindi rin aniya makakakuha ng ‘regular pay’ o sahod, maliban na lamang kung mayroong ibang patakaran o kasunduan na ibinaba ang kanilang kumpanya.
Binigyang diin naman ng DOLE na dapat ipaalam muna ng mga empleyado sa kanilang mga employer ang kanilang magiging desisyon upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa kanilang mga trabaho.