-- Advertisements --
image 28

Isiniwalat ni Special Task Force Degamo Chairperson at Department of the Interior and Local Goverment Secretary Benjamin Abalos Jr. na tinangka pang sunugin ang ilan sa mga ebidensyang may kaugnayan sa ilang mga suspect na may direktang partisipasyon sa pamamaslang kay dating negros oriental governor roel degamo at walong iba pa.

Ito ay inihayag ni Abalos sa ginanap na joint press briefing ng special task force Degamo kasabay ng kaniyang anunsyong arestado na ang isa umano sa mga hinihinalang utak sa likod ng nasabing krimen na kinilalang si Marvin Halaman Miranda.

Aniya, narekober ng mga otoridad ang ilang sunog na piraso ng mga damit, at wallet na may kasamang mga identification cards ng dalawa sa suspect na kinilalang sina Judel Rojas Rivero o alyas Osmundo Rojas Rivero, at Joven Javier na kapwa nasa kustodiya na ngayon ng National Bureau of Investigation.

Ang naturang mga ebidensya ay ibinaon pa ng mga salarin sa ilalim ng lupa na may lalim sa 10 feet sa bahagi ng compound na pag aari ni Pryde Henry Teves kasama ang ilang matataas na kalibre ng mga armas at granada na nahukay din ng mga otoridad sa naturang lugar na pagmamay-ari ni dating governor teves.

Bukod sa sangkaterbang mga matataas na kalibre ng armas at granada na pag aari ni Pryde Henry Teves na narekober sa lugar, ay mayroon din isang steyr 5.56 rifle o baril na ginagamit ng mga sniper ang nakuha rin ng mga pulis sa naturang compound, ngunit ito ay napag-alamang nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.

Kung maaalala, isang search warrant ang ikinasa ng mga otoridad sa compound ni Pryde Henry Teves mula noong Marso 23 hanggang Marso 31 taong kasalukuyan alinsunod sa isang court order na inilabas ng regional trial court Mandaue City.

Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng kumpiyansa si Abalos na sa pamamagitan ng lahat ng mga ebidensyang kanilang nakalap at hawak na ngayon ay nangangahulugang nasa kanilang panig na ang napipintong pagkamit sa hustisya para sa mga biktima at mga naulilang pamilya ng mga ito nang dahil sa naturang karumaldumal na krimen