Ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may ilang mga kalihim ng Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag sa kaniya na hindi sang-ayon sa ginawang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Lacson, labis na nanghihinayang ang ilang opisyal sa mga benipisyo na nakukuha ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na mawawala sa pagbasura sa VFA.
Inihalimbawa pa nito ang mga kagamitan na ibinibigay sa mga sundalo at maging sa mga pulis sa mga isinasagawang pagsasanay.
Maging ang palitan ng impormasyon para sa paglaban sa terorismo ay pinanghihinayangan din aniya ng ilang kalihim.
Dagdag pa ni Lacson, natatakot lang ang mga opisyal na magsabi o payuhan ang pangulo dahil desidido na ang presidente na ibasura ang VFA.
Hindi naman pinangalanan ng senador ang mga kalihim dahil baka magkaroon ng negatibong imahe para sa pangulo kapag ibinulgar niya sa publiko.
Inanunsyo naman ni Lacson na posibleng sa susunod na linggo na maihahain ng Senado ang kanilang petisyon kasabay ng kanilang resolusyon na hinihiling sa Korte Suprema na i-interpret na ang batas kung dapat ba o hindi ang concurrence ng Senado bago ibasura ang anumang treaty na pinasok ng Pilipinas sa ibang bansa.